Ang Tunay na Biyaya ng Ulan

Tok!Tak!Tok! Tumunog na ang bubong. Magpapahiwatig na ang ulang hinihintay natin ay nagsisimulang bumuhos na. Mararamdaman na ang paghaplos ng malamig na hangin sa ating balat. Kapag tumingin ka sa bintana, ang mga patak ng ula’y unti-unti nang dumadami at sa bawat pagdagdag ng mga ito ay mas nagiging ka-aliw-aliw sa ating mga paningin, Nagmimistulang mga pira-pirasong kristal na nahuhulog mula sa kalangitan at nakakalikha ng tunog na tila isang musikang nagpapakalma sa ating mga damdamin. Ang mga patak ng ulang nahuhulog sa ating balat ay kay lamig at sing linaw ng tubig sa batis. Kung minsan nga, ako’y nagtataka, “Bakit nga ba sa ulan ako ay natutuwa?”

Kasiya-siyang sulyapan ang pagbuhos ng ulan! Subukan mo mang umupo malapit sa bintana at magmasid. Ang bawat pagtulo ng ulan ay maglilibang sa iyong paningin. Mistulang nilalaro nila ang iyong mga mata at inaakit ka. Sinasabing, “Hali ka’t magtampisaw habang kami ay naririto pa”. Ilapit mo ang iyong mga kamay sa bintana kung saan ay maaari mo nang maabot ang mga patak ng ulan. Mararamdaman mo talaga ang ginaw na dala ng bawat patak. Mga patak na pumupukaw sa kamalayan ng puso at sumasara sa malikot na pag-aalala ng isipan. Maya-maya’y titigil ang pagdaloy ng mga bagay-bagay sa ating isipan. Unti-unting dinadala ng ihip ng hangin ang nilalaman ng utak. Ika’y mapapatahimik at ang mga problema mo ay saglit na nalilimutan. Nagsisimulang mahumaling ang iyong mga mata sa tunay na ganda ng ulan. Mararamdaman mong para kang nakalutang at ika’y napatutulala. Dahan-dahang gumagaan ang pakiramdam at nagpapaubaya na lamang sa simoy ng hangin ang imahinasyon.Nagiging blangko ang isipan at binabalikan ang nakalipas. Ang mga pagkakataon at mga pangyayaring di-alintanang nakaligtaan ay bumabalik sa alaala. Ang tanging naririnig ay ang tunog na dulot ng ulan. Habang ang ula’y humihina, unti-unting ang isipan ay naliliwanagan. Ikaw lamang ay magtataka kung bakit ikaw ay nakangiti na’t ang mabigat na pakiramdam ay ngayo’y gumagaan.

Isang biyayang mula sa Maykapal ang ulan. Ang mga patak nito ay hindi man natin mabilang-bilang ay nagbibigay aliw naman sa aitng paningin At kung ito man ay iyong mahawakan, siguraduhin mong ang bawat patak ay madadama mo. Ang ulan ay nagpapakalma. Ang iyong damdamin ay kanyang hinahaplos at binubuksan. Ang mga bagay na nagpapasiya sa bawat tao ay ipinapaalala ng ulan. Sa paghalik ng bawat tulo nito sa iyong balat ay nagpapahiwatig ng dahan-dahang pagpapahalaga ng isang tao sa kanyang sarili at upang ang ang napapagod niyang isipam ay mabigyan naman ng pahinga kahit na saglit lamang. Pinapawi ng ulan kahit na minsan ang pasang dala-dala natin. Nagmimistulang balangkas ito ng ating mga napagdaanan. Ang mga lungkot ng ating mukha ay napapalitan ng ulan ng ngiti. Kasabay ng pagtila nito ay ang pagkakaroon ng lakas ng bawat tao upang harapin ang bukas.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s